top of page
Simple Modern Minimalist Circle Design Studio Logo (2).png

Barya Kapalit ng Umaga

  • Writer: hiromiiyaa
    hiromiiyaa
  • Jul 8, 2025
  • 2 min read

Sa kabila ng pagbibigay-ayuda, hindi pa rin sapat upang may pangkain ang masa. Ang tulong ay mistulang pantapal lamang sa matagal nang sugat ng kahirapan.

 

Sa mundo ng estudyante, ang pera ay parang mataas na grado — hinahangad at mahalaga. Para sa gobyerno, tila isa itong panulat na ginagamit upang pabanguhin ang mga polisiya sa papel, kahit salat sa tunay na epekto.

 

Nasosobrahan na sa pagpapabango ang mga politiko. Ang baryang ayuda ay hindi nakasasapat sa mga simpleng pangangailangan ng mga estudyante — lalo na sa panahong bawat gastos ay may katumbas na paniningil.

 

Ayon sa kinatawan ng Batangas na si Leonardo Leviste, layunin ng House Bill 27 ang pagbibigay ng P1,000 buwanang allowance sa mga estudyante. Sapat na raw ito para sa transportasyon, pagkain, at mga gamit sa eskwela. Ngunit sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya, ang halagang ito ay hindi umaabot. Bilang estudyante, alam ko ang libong katumbas sa araw-araw na gastusin. Ang pamasahe ko pa lamang ay umaabot na sa P130 kada araw — ang isang libo ay natutunaw bago pa man matapos ang isang linggo.

 

Ngayong buwan ng Hunyo, umabot sa 1.4% ang antas ng implasyon ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Sa ganitong sitwasyon, tila ang P1,000 ay paunang bayarin sa mga utang na hindi kayang pantayan ang halaga ng mga pang-araw-araw na gastusin ng masa. Sa estado ng ating ekonomiya, tila ang pangungutang ay wala na sa pagpipilian. Pero kung uutangin upang makatulong sa pinansyal ng pangkalahatan, gaano katagal kakayod ang taumbayan upang ito’y mabayaran? Tila hindi kakayod ang lipunan para sa kanilang kinabukasan, bagkus para matustusan ang ayudang hindi naman napakinabangan.

 

May layunin mang mabuti ang panukalang batas, hindi ito magiging makabuluhan kung walang matibay na sistemang susuporta rito. Kung ipatutupad ito sa gitna ng krisis at katiwalian, maglalaho lamang ang pondong para sana sa edukasyon. Hangga’t may korapsyon, ang perang inilaan sa mga estudyante ay mananatiling papel lamang — walang saysay, walang direksyon.

 

Ang tunay na pagbibigay-pansin sa problema ay hindi nasusukat sa halaga ng baon. Nagsisimula ito sa pagtutuwid ng sistemang matagal nang baluktot. Ngunit sa halip na tugunan ang ugat ng problema, inuuna pa rin ang mga panandaliang solusyon.

 

Kaya’t sa ganitong kalakaran, tila barya pa rin ang kapalit sa bawat umagang nagdusa — at ang mga estudyante ang nakikitang pantapal sa bukas ng liwanag. Kaya’t mananatiling alagad ang lipunan kung patuloy itong gigising nang walang sinag.

 

Ang bawat problema ay may kalakip na solusyon. Kaya sa gitna ng kaguluhan, mas mainam na pagtuunan ng pansin ang ugat ng pagbagsak ng sistema. Dahil kahit gaano kaganda ang ipinapanukala — kung ang pundasyon ay bulok — walang saysay ang liwanag na inaasahan.


Hangga’t may paraan tayong bumoses at manindigan para sa alam nating tama, huwag nating piliing manahimik sa gitna ng dilim. Huwag din tayong pumayag na manatiling walang laman at walang saysay ang boses ng kabataan.

Recent Posts

See All
Queer: Loving Is a Sin

IO I am the sinner, but you are not my sin. You are the salvation that I never should have coveted. Queer people face, on the daily,...

 
 
 

Comments


bottom of page