Sistemang Sira: Katarungang Wala
- hiromiiyaa
- Jul 2, 2025
- 2 min read
Sombra
Ang akala nating kinabukasan, unti-unti nang nagiging bangungot sa ilalim ng isang sirang pamahalaan.
Mga balahibo’y tila nagsitataasan kapag napatutunayan mo na ang sistema ng iyong bansang sinilangan ay may kinikilingan. Mga boto na tila’y nagsisilbing kayabangan ng bawat dakila. Isang sistemang pilit na pinagmumukhang malinis, ngunit ubod ng karumihan.
Batay sa ulat ng GMA News, itinanggi ni Bise Presidente Sara Duterte ang mga paratang laban sa kanya kaugnay ng ikaapat na reklamong impeachment—na tinawag niyang isang malinaw na pang-aabuso sa proseso. Ngunit sa bawat salitang binitawan—may bigat at diin. Lalo na noong Nobyembre ng taong 2024, sa iniwan niyang kontrobersyal na pahayag laban kina speaker Martin Romualdez, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Nakalimutan ni Bise Presidente Sara Duterte na ang bawat paratang ay may kaakibat na resibo. Kung tutuusin, nagsimula lang naman ang lahat ng ito dahil sa umano’y kontrobersyal niyang pondo. Ayon sa Opisina ng Bise Presidente, ang P125 milyong kumpidensyal na pondo ay naubos sa loob lamang ng 19 na araw—ngunit hanggang ngayon ay walang naipapakitang detalyadong ulat kung saan ito ginastos. Habang maraming Pilipino ang kapos sa pang araw-araw na gastusin, may milyong pera na hanggang kasalukuyan hindi maipaliwanag.
Tila nagiging libangan tayo ng mga pulitiko—mga natutuwang panoorin tayong mga Pilipino na magmukhang katawa-tawa sa harap ng sarili nating mga pinapanigan. Ang akala nating kinabukasan, unti-unti nang nagiging bangungot sa ilalim ng isang sirang pamahalaan. Mga binotong politiko na dahan-dahang naglalabas ng tunay na kulay matapos makipagyabangan sa mga kalaban nilang kapwa makapangyarihan. At tayo nama’y tila mga mangmang na hindi nadadala sa paulit-ulit na panloloko ng mga uupo.
Hanggang saan nga ba tayo dadalhin ng ganitong sistema? Patuloy na lang ba tayong magbubulag-bulagan sa katotohanan? Sapagkat kung tutuusin, hindi nakakatuwang masdan ang mga taong nakaupo sa puwesto habang sila’y nagkakagulo—parang mga mahikerong pilit binabaliktad ang sistema upang mamuno.
Hindi naman kailangan ng taong bayan ang pagmamakaawa at galit sa pagpapaliwanag kung saan napupunta ang pera ng taong bayan. Ang kailangan ng sambayanang Pilipino ay ang sagot na katotohanan sa bawat salitang lumalabas.
Para sa ilan, ang pitong artikulo ng impeachment laban sa bise presidente ay maaaring ituring na simpleng mga dokumento lamang. Ngunit sa likod ng mga tintang nakasulat sa papel ay ang kinabukasan ng sambayanan—mga hustisyang ngayon pa lamang unti-unting nakakamit. At sa kabilang banda, isang mapait na katotohanan: sira ang sistemang inaasahan nating maghahatid ng katarungan. Subalit, hindi ito ang dahilan upang hindi natin pakinggan ang totoong paliwanag ng bawat isa. Sa likod ng walang kasiguraduhang mga sagot bukas ang publiko upang malaman ang katotohanan sa bawat tanong. Dahil sa gitna ng pagbagsak ng isang bulok na sistema, bumabangon ang isang bagong henerasyon—mulat, may paninindigan, at walang kinikilingan.

Comments