top of page
Simple Modern Minimalist Circle Design Studio Logo (2).png

BOSES ANG SAGOT, PRESO ANG ABOT

  • Writer: hiromiiyaa
    hiromiiyaa
  • Jul 15, 2025
  • 2 min read

Sombra


𝙋𝙖𝙜-𝙖𝙨𝙖 𝙨𝙖 𝙜𝙞𝙩𝙣𝙖 𝙣𝙜 𝙡𝙖𝙗𝙖𝙣, 𝙧𝙚𝙙-𝙩𝙖𝙜𝙜𝙞𝙣𝙜 𝙖𝙣𝙜 𝙨𝙖𝙜𝙤𝙩.


Tila hindi na ito simpleng banggaan ng paniniwala, kundi isang matinding labanan sa pagitan ng makapangyarihan at ng boses ng bayan. Hindi na lang ito usapin kung sino ang kampi kanino, kundi tunggalian ng kapangyarihan at konsensiya. “𝙋𝙖𝙧𝙖 𝙨𝙖 𝙗𝙖𝙮𝙖𝙣,” ang sigaw ng iilan — ngunit kapag hindi tugma ang iyong panig sa kinikilingan ng nasa itaas, ang kapalit ay posas. Sa panahong ito, katahimikan ang ligtas — pero sa bumoboses, kulungan na ang katapat.


Kamakailan, batay sa ulat ng Rappler, nanawagan ang pamilya ni Ma. Salome “Sally” Ujano — isang kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng kabataan — kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya’y palayain. Siya rin ay dating punong direktor ng Women’s Crisis Center. Isa si Ujano sa mga aktibistang inaresto noong 2021, sa kasagsagan ng red-tagging noong administrasyong Duterte. Hangga’t patuloy siyang nakakulong, walang saysay ang anumang prinsipyo ng pamahalaan tungkol sa karapatan at hustisya para sa masa.


Ayon nga kay Egay Cabalitan, Secretary General ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates, ang panawagan para sa pagpapalaya kay Ujano “is not just about one person,” kundi sumasalamin din ito sa “our country’s commitment to human rights and democratic principles.


Ano nga ba ang kinatatakutan sa mga aktibista? Sa isang bansang takot, tila kaaway ang tingin sa mga tagapagtanggol. Parang hindi matanggap na ang bawat lumalaban ay may malinaw na resibo — hindi pansariling interes ang dala, kundi paninindigan para sa masa. Ngunit mahirap lumaban sa sistemang hindi marunong lumaban nang patas — kung saan ang katotohanan ay kinukulong, at ang kasinungalingan ay pinapalakpakan.


Kaya sa kabila ng pagtatanggol sa karapatang pantao, nawa’y tuluyang maibigay ang hustisya kay Ujano. Dahil hindi na lang ito laban para sa kaniya, kundi para sa lahat ng bumoboses at nagtatanggol sa mga piniling manahimik kapalit ng kaligtasan.


Ang aktibismo ay hindi dapat ituring na kaaway. Hindi ito pananakot, kundi pagkilos para sa masa — at para sa bayan. Sa kabila ng katahimikan ng ilan, ang aktibismo ang nananatiling boses ng katotohanan at sandigan ng sambayanan.


Comments


bottom of page